Ebanghelyo: Lucas 10:13-16
Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob.
Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!
“Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin. At ang di tumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin.”
Pagninilay
Marunong ba tayong tumanaw nang utang na loob? Naaappreciate ba natin ang pinagmulan o ang dahilan ng ating tinatamasang kaligayahan o tagumpay natin sa career, negosyo at iba. Ito ay isang paanyaya ng Ebanghelyo na kung saan ay may panghihinayang si Jesus sa mga bayan na kanyang nabanggit: ang Corazin, Betsaida at Capernaum. Mga bayan na kung tutuusin ay higit na pinagpala dahil dito maraming ginawa si Jesus para sa mga tao. Subalit sadyang naging matigas ang kanilang mga puso na para bang si Jesus pa ang may utang na loob sa kanila. Marahil, maraming mga bayan ang naghahangad na madalaw din sila ni Jesus at makapagpamalas din ng mga himala subalit hindi nabigyan ng pagkakataon. Nawa’y mas makita natin ang ating mga sarili, na sa kabila nang mga ibinigay ng Diyos, kahit hindi natin “deserve” ang mga bagay na ito, ay mas matuto tayong tumanaw ng utang na loob sa pamamagitan ng patuloy na pagdarasal, pagsisimba at pagiging tapat sa Diyos. Kung wala ang kabutihan ng Diyos ay wala rin tayong mararating.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022