Ebanghelyo: Lucas 10:1-12
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay.
Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’
Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.
Pagninilay
Isang araw, naglalakad akong mag-isa papunta sa pinakamalayong baryo na aking mimisahan. Mga 8 kilometro ang nilalakad at akyat-panaog ako sa mga burol. Sa kalagitnaan, nakaramdam ako ng pagod at bagot. Sumandal ako sa isang puno at tinanong ko ang aking sarili, “Paano kung walang langit?” Pagkapahinga ko ay nagpasalamat ako sa Diyos na kasama ko sa misyon. Doon nakilala ko ang aking sarili bilang isa sa 72 napili na ipinadala ng Panginoon. Ginamit ng Panginoon ang kanyang karunungan sa pagpapadala sa kanila ng dalawahan. Ang dalawa ay dapat magkaroon ng kooperasyon at panghihikayat lalo na sa panahon ng kahinaan. Ang isa ay magpapaalala sa isa tungkol sa turo ng Nagpapadala. Nauunawaan nila na ang pagtanggi ng mga tao ngunit ito rin ay palatandaan na malapit nang dumating ang kaharian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021