Ebanghelyo: Juan 1:47-51
Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punongigos, nakita na kita.”
Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Ang mga arkanghel ay ipinadala upang maging tagapaghatid ng mensahe ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Nagpapaalala rin sila sa kagandahang-loob ng Diyos. Sa pamamagitan nila ay nakikilala natin ang Diyos. Si San Miguel, ang naging tagapagtanggol laban sa demonyo at mga uri ng kasamaan; si San Gabriel, na naging tagapaghatid ng Salita ng Diyos; at si San Rafael, na naging tagahilom ng mga karamdaman ng tao. Hindi tumitigil ang Diyos sa pagpapadala ng mga anghel upang tayo ay alalayan, tulungan at gabayan sa ating buhay.
Ginugunita ko rin sa araw na ito ang aking ordinasyon bilang pari. Sampung taon na akong pari. Sampung taon na puno ng biyaya, na patuloy na ipinagkakaloob ng Diyos sa akin. Hindi man ako karapatdapat dahil sa aking mga kasalanan at kahinaan, subalit sadyang mapagpala ang Diyos upang patuloy Niya akong gawing pari. Sa araw na ito, ako higit sa lahat, ay pinapaalalahanan ng isang napakahalagang dahilan kung bakit ako naging pari. Katulad ng mga Arkanghel, hindi ito tungkol sa akin, kundi sa mga taong pinahahalagahan ng Diyos na nais niyang ingatan at pangalagaan. Nawa, sa biyaya ng aking pagkapari, ay patuloy akong makahikayat ng mga taong magbabalik- loob sa Diyos. Nawa ay mailapit ko ang mga taong aking pinaglilingkuran patungo sa Diyos at hindi sa aking sarili.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022