Ebanghelyo: Lucas 9:46-50
Nangyari na ikinabahala nila kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi niya. At sinabi niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.” At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”
Pagninilay
Anong asal ang dapat nating gayahin para “matagpuang maliit?” Simple lang naman ang mga bata: hindi sila nagtatampo pag hindi sila napupuri, naniniwala at nagtitiwala sa kanilang mga magulang, at alam nila na mahina lang sila at walang kakayahan kung mahihiwalay sila sa mga magulang. Minamahal pa nila ng buong puso ang kanilang ama’t ina. Ito ang sikreto ng “spiritual childhood” na itinuturo ni Santa Teresa ng Lisieux: pananatiling simple at laging tandaan na mahina lang tayo at wala tayong kakayahan kung mahiwalay tayo sa Diyos. Mababagabag lang ang ating mga puso kung hahanapin natin ang mga mapapala ng isang posisyon, o sa akala natin marami ang kaya nating gawin kahit hindi natin hingin ang tulong ng Diyos. Gusto mong maging dakila? Gayahin mo ang asal ng isang bata.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020