Ebanghelyo: Lucas 9:18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabing ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang Nabuhay.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Pagninilay
Sino ba ako? Saan ba ako nanggaling? Saan ba ako patungo? Kung ano ang mga tanong na lagi sumasagi sa isip ng tao, ito din ay umikot sa pag-iisip ni Jesus at pinagnilayan niya ang mga sagot. Unti-unting naunawaan niya kung sino siya at kung ano ang kanyang misyon. Ganyan din pagdating sa mga alagad na sumusunod sa kanya… unti-unting naunawaan nila kung sino talaga si Jesus. Simula sa unang salubong sa baybayin ng lawa ng Tiberias nang sila’y naghuhugas ng mga lambat, hanggang sa panahon kung kailan humayo sila upang ipahayag ang Mabuting Balita, dahan-dahang lumiwanag sa kanilang pag-iisip ang katotohanan tungkol kay Jesus. Makapangyarihan ang katotohanang ito, na pati buhay nila’y inihandog. Para sayo… sino ba si Jesus? Ano ang mga ginawa niya para sayo? Handa ka bang magtiiis alang-alang sa kanya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020