Ebanghelyo: Lucas 9:7-9
Nabalitaan naman ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayaring ito at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at ng iba pa na isa sa mga propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita siya.
Pagninilay
“Juan, huwag mo akong gambalain!” – parang ganoon ang sinabi ni Herodes kay Juan Bautista noon dahil ipinapaalala ng propeta sa kanya ang kanyang masamang gawain. Ngayon naman, litung-lito na siya sapagkat di niya alam kung sino itong bagong sikat na taga-Nazaret. Hindi talaga mapalagay si Herodes dahil sa kanyang maitim na budhi. Bakit kaya niya sinikap na makita si Jesus? Gusto niyang magbagong buhay o dahil lamang sa kanyang kuryusidad? Malamang, hindi niya natagpuan si Jesus at hindi rin siya nagbagong buhay. Makikita natin si Jesus kapag may maganda tayong kahilingan at nais nating magsimula ulit. Sa kamay ni Jesus lamang mapapalagay ang ating mga puso. Sino ba ang naging “Juan Bautista” sa iyong buhay nang napalayo ka sa Diyos?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020