Ebanghelyo: Lucas 9:1-6
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila para ipahayag ang kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ng tigalwang bihisan. Sa alinmang bahay kayo nakituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
Pagninilay
Bago ipinadala ni Jesus ang Labindalawa, binigyan Niya sila ng kapangyarihan, at isinugo sila upang ipahayag ang Kaharian at magpagaling sa mga maysakit. Ang ipinagkatiwala ni Jesus sa kanila noon, siya ring ipinagkakatiwala Niya sa atin ngayon: nasa ating mga kamay ang pagtataguyod ng Kaharian at pagpapagaling sa mga maysakit. Maraming bagay ang nakatutulong sa ating ministeryo: pera, mga aklat, computer, internet, powerpoint, cellphone, sasakyan… pero mga instrument lamang ang lahat ng ito at wala pa rito ang sikreto ng tagumpay sa ating misyon. Ang ating personal na kaugnayan sa Panginoon, at ang kapangyarihang kanyang ibinibigay, ang talagang mahalaga para sa pagsulong ng Kaharian. Bago magplano, magdasal tayo. Sa gayon, kung hindi man tanggapin ang ating mensahe, parang matagumpay pa rin kung nasa Panginoon ang ating tiwala, hindi sa mga instrumento na nasa ating mga kamay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020