Ebanghelyo: Lucas 9:7-9
Nabalitaan naman ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayaring ito at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at ng iba pa na isa sa mga propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita siya.
Pagninilay
“History repeats itself!” Ito ay ilang lamang sa mga klasikong linya na ating naririnig sa tuwing nauulit ang mga pangyayari sa buhay ng isang tao. Kadalasan itong iniuugnay sa mga pangit na pangyayari sa buhay natin. May katotohanan din naman ito talaga, pero hanggang dito na nga lang ba talaga tayo? Hahayaan na lang ba natin na magpaulit-ulit ang kuwento? Ang nangyari noon ay mangyayari din sa atin? Sa Ebanghelyo, inakala ni Herodes na si Jesus ay si Juan Bautista, na kanyang ipinapatay dahil lamang sa maling paghatol at bulong ng ibang tao. Sa kalaunan ay uulitin ni Herodes ang kanyang maling desisyon. Hindi rin niya maililigtas si Jesus sa kapahamakan. Maganda ring balikan ang sinasabi sa unang pagbasa, “mangyayari uli ang nangyari noong una.” Bakit nga ba nauulit ang mga pagkakamali ng tao? Dahil hindi tayo natuto! Marahil hinahayaan ng
Diyos na maulit ang mga pangyayari para ituwid natin ang mga pagkakamaling iyon. Pero dahil hindi tayo marunong makinig sa karanasan ng iba, kaya iyon pa rin ang nagiging resulta. Laging may pagkakataong ibinibigay sa atin ang Diyos at lagi niya tayong hinahayaang magdesisyon at mas piliin ng tama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022