Ebanghelyo: Mateo 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Nang mga panahong yaon, pinipili ng mga Romano sa bawat bayan ang isang Judiong maniningil ng buwis sa mga mamamayan. Itinuring ang mga taga-singil ng buwis na makasalanan dahil tumulong sila sa mga nang-aapi sa mga Judio at mangungurakot din sila. Isa si Mateo sa kanila. Kahit alam niya na masama ang kanyang gawain, paano niya ititigil ang kasamaan na kanyang ginagawa? Paano siya magbabalik- loob sa Diyos? Paano niya babaguhin ang nasirang dangal? Maaaring matagal niyang hinintay ang pagdalaw ng Panginoon, kaya nang tinawag siya ni Jesus, tumayo siya agad at nagsimula ng isang panibagong buhay. Lagi namang dumadaan si Jesus sa ating buhay, at hinihikayat Niya tayong sumunod sa kanya. Kung makikinig tayo sa kanyang tinig, tumayo at sumunod sa kanya, at magsisimula rin ang bagong buhay na matagal na nating hinihintay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020