Ebanghelyo: Mateo 20:1-16a
Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang magiikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tigisang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito, at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init ng araw.’ Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ Kaya mauuna nga ang huli, at mahuh
Pagninilay
May nagsabi: “gusto mong maging masaya: bilangin mo ang iyong mga pagpapala. Gusto mong maging malungkot? Ikumpara mo ang iyong sarili sa iba.” Sa pagkukumpara ng sarili sa iba gusto ng taong isipin ng iba na siya’y magaling, dahil siya mismo ay hindi naniniwala sa kanyang sarili at hindi niya nakikita ang ipinagkaloob sa kanya. Sa ebanghelyo ngayon ang mga manggagawa na maagang nagsimulang magtrabaho ay nagrereklamo sa may-ari ng ubasan. Sa pagkukumpara sa iba itinataas nila ang kanilang sarili, hindi nila pinahahalagahan ang ibinigay sa kanila at binababa nila ang kanilang kapwa. Huwag naman tayo ganoon, sapagkat binigyan tayo ng Diyos ng kailangan natin para maging katulad niya at matutong mapansin sa sarili natin ang kaya nating gawin. Tayo din ay manggagawa sa ubasan ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020