Ebanghelyo: Lucas 8:1-3
Pagkatapos ay naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
Pagninilay
Ang mga pinagaling ni Jesus o mga nagbagong-buhay gawa ng kanyang Salita ay naging kanyang alagad at kasamahan. Sumunod sila sa Guro at naglingkod din mula sa kani-kanilang kaya. Hindi inaasahan ng Diyos na ibigay natin ang hindi natin kaya. Pwede tayong mag-alay sa Diyos ng ating oras, kayang-gawin o mula sa ating yaman. We can all share our time, talent and treasure. Baka sa tingin mo maliit lang ito; baka iniisip mo na hindi mapapansin ang iyong tulong. Nang pinakain na nga ni Jesus ang limang libong tao gamit niya ang limang pirasong tinapay at dalawang isda na inalay ng isang bata. Pinadadami ng Diyos ang anumang kaya nating ibigay. Pangit ang madamot. Madaming biyaya na ang ating natanggap mula sa Diyos, nawa’y matuto tayong maglingkod at magbahagi.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020