Ebanghelyo: Juan 19:25-27 (o Lucas 2:33-35)
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapo ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.
Pagninilay
Sa huling sandali ng buhay ni Jesus, ihinabilin niya ang kanyang ina sa kanyang minamahal na alagad. Tiniyak niya na mayroong isang taong mapagkakatiwalaan siya sa kanyang ina. Iniwan din niya ang kanyang alagad sa kanyang Ina. Ibaling natin ngayon ang ating atensyon sa mga alagad na hindi pinangalanan. Ayon sa tradisyon, siya ay si Juan na kapatid ni Santiago. Ngunit kung palalimin natin ang ating interpretasyon, hindi ba ito kumakatawan sa bawat isa sa atin? Hindi ba dapat tanggapin ng lahat si Maria at dapat ay manirahan siya sa ating puso bilang mga minamahal na alagad ng Diyos? Ito ang isa sa mga kadahilanan kung bakit napakahalaga ng papel ni Maria sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Alalahanin natin na hindi natin mailalarawan ang ating buhay bilang isang Kristiyano kung wala ang mahalagang papel ni Maria. Si Jesus mismo ang nagsabi, “siya ang iyong Ina.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2021