Ebanghelyo: Lucas 7:1-10
Matapos ituro ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at pinahahalagahan niya ito. Pagkarinig niya tungkol kay Jesus, nagpapunta siya sa kanya ng mga Matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. Pagdating ng mga ito kay Jesus, taimtim nila siyang pinakiusapan: “Marapat lamang na pagbigyan mo siya; mahal nga niya ang ating bayan at siya ang nagpatayo ng aming sinagoga.”
Kaya kasama nilang pumunta si Jesus. Nang hindi na siya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin: “Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa; hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay. Kaya hindi ko man lang inakalang nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko. At kung iutos ko sa isa, ‘Umalis ka,’ umaalis siya; at sa iba naman, ‘Halika,’ at pumaparito siya. At pag sinabi kong ‘Gawin mo ito,’ sa aking katulong, ginagawa nga niya ito.”
Humanga si Jesus pagkarinig niya nito. Lumingon siya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig!” At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.
Pagninilay
“Sa iyong utos lamang ay gagaling nako.” Binibigkas natin ang mga salitang ito bago ang banal na pakikinabang, ito ay nagpapahayag ng ating lubos babalikan kay Jesus. Kung ating babalikan ang ebanghelyo sa kauna-unahang pagkakataon, maaaring tila ipinagmamalaki ng kapitan na ito ang kanyang mga kapangyarihan sa kanyang mga lingkod. Ngunit bakit inamin ni Jesus na kahit sa Israel ay wala siyang nakitang ganoong klaseng tao na tapat ang pananalig? Ngunit kung nauunawaan natin ang salaysay maaaring sa kabila ng lahat ng kanyang kapangyarihan bilang kapitan, hindi niya kayang pagalingin ang kanyang alipin at tanging si Jesus lamang ang taong makakapagpagaling rito. At hindi na kailangang pumunta pa si Jesus, dahil sa kanyang utos lamang, at gagaling ang kanyang katulong. Kung ang isang paganong kapitan ay may malaking pananalig kay Jesus, gaano pa kaya tayo mga binyagan at tinawag na mga Kristiyano? Sa tuwing tinatanggap satin si Jesus sa banal na pakikinabang, nawa ay taimtim nating ipahayag ang ating pananampalataya na si Jesus lamang ang makapagpapagaling at magligtas sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021