Ebanghelyo: Lucas 6:43-49
Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso. Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
Pagninilay
Nagbabala si Pope Francis tungkol sa clericalism, ito’y parang isang cancer sa Simbahan. Sa clericalism ang pagiging relihiyoso ng tao ay parang isang suot na panglabas na dala-dala ng taong simbahan, ngunit hindi naman nakaugat sa kanyang puso ang Mabuting Balita. Sa unang tingin, napakaganda ng bunga na ibinibigay ng punong ito, ngunit hindi si Jesus ang pinaglilingkuran kundi ang kanyang sarili. Aba sa atin kung mahulog tayo sa clericalism! Kung hindi naman, iwasan din nating maghatol kapag may taong simbahan na ganyan ang ugali. May mali nang ginagawa, huwag sana nating dagdagan ang kasamaan sa ating pagiging mapanghusga. Hayaan na lang natin, “ang bahay na walang pundasyon ay sadyang babagsak”. Tayo naman ay magsilapit kay Jesus, makinig at sundin ang kanyang Salita na nakakapagpatibay ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020