Ebanghelyo: Lucas 6:39-42
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad.
Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
Pagninilay
Ang ating ebanghelyo sa ngayon ay tumutukoy sa mga mapagkunwaring tao. Totoo, mapanganib silang mga tao. Ito ang mga taong hindi alam ang kanilang sarili. Ito ang mga taong may mataas na pagtingin sa kanilang sarili at mababa ang pagtingin sa iba. Sila ang mga taong napakalakas na mangako ngunit hindi ito sinusunod. Tinawag sila ni Jesus na bulag ngunit nais nilang mamuno ng isa pang bulag. Tulad ng sinabi ng palatastas ng softdrinks, “maging matapat.” Maging tapat sana tayo at mapagpakumbaba sa harap ng Panginoon at upang tulungan tayong makilala ang ating sarili. Aminin natin, na wala tayong magagawa kung wala ang Panginoon. Iyon ang tunay na pagpapakumbaba. Yumabong sana tayo sa ating malalim na ugnayan sa ating Panginoon at sa ating kapwa tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021