Ebanghelyo: Lucas 6:20-26
Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
“Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo.
“Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo.
“Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
“Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat
tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!
“Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo!
“Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak!
“Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
Pagninilay
Kung isa ka sa mga taong nakikinig at sinasabihan ni Jesus sa Ebanghelyo, alin ang mas nararamdaman mong mga Salita? Doon ka ba sa mga Mapapalad o sa mga Sawimpalad? Wika ni Jesus: Mapapalad ang mga nagugutom, mga umiiyak, mga kinapopootan, itinatakwil at iniinsulto. Sawimpalad naman ang mga mayayaman, mga busog, at mga humalakhak ngayon. Parang kabaliktaran ito sa pananaw natin, maging sa karanasan natin ngayon. Bakit mas mapalad ang mga nagugutom o naghihirap, e ayaw nga nating maranasan ito? Bakit sawimpalad ang mayayaman, e ito nga ang gusto ng marami? Iba talaga ang pag-iisip ng tao sa kung paano mag-isip ang Diyos.
Nawa ang mensahe ni Jesus ay magbigay ng pag-asa sa ating lahat. Sa mga naghihirap, ito ang wika ni Jesus: “Kapit lang, konting tiis pa”. Kumapit tayo sa Diyos. Samantala, isang babala o paalaala naman sa mga namumuhay sa katiwasayan dahil sa kanilang mga maling pamamaraan ng pamumuhay. Kung ang dahilan ng kanilang paghalakhak ay dahil may inabuso at inapi sila; matitikman nila ang lahat paghihirap. Batid ng Diyos ang lahat ng mga ginagawa natin. Gamitin natin ang anumang biyaya na ating natatanggap upang maipadama sa mga naghihirap na sila ay mapalad dahil sa mga taong tumutulong sa kanila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022