Ebanghelyo: Lucas 6:12-19
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos.
Nang nag-umaga na, tinawag Niya ang Kanyang mga alagad at pumili Siya ng labindalawa sa kanila na tinawag Niyang apostol: si Simon na pinangalanan Niyang Pedro si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad Niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa Kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kaya’t sinikap ng lahat ng tao na mahipo Siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa Kanya, na nagpapagaling sa lahat.
Pagninilay
Si Jesus ay nanalanganin buong gabi. Sa panahon ngayon, may tao pa kayang manalangin buong gabi tulad ng ginawa ni Jesus? Nanalangin si Jesus bilang paghahanda sa pagsisimula ng kanyang misyon. Matapos ang kanyang dalangin, pumili siya ng 12 na maging kanyang apostoles upang maisakatuparan ang kanyang misyon upang mailigtas ang sangkatauhan. Sa aking karanasan sa mga parokya na aking pinaglilingkuran, nahihirapan akong mag-anyaya sa mga tao upang makilahok sa misyon ng ating Panginoon. Karamihan sa kanila ay kontento nang sumamba tuwing Linggo. Napagtanto ko pagkaraan ng maraming taon na kailangan kong sundin ang paraan ni Jesus, dapat may taimtim na panalangin na sana basbasan ang mga tao ng Simbahan upang maging handa silang makilahok sa misyon ng ating Panginoon. Nakikita kong ito ang kulang. Kasama rin dito ang paggamit ng bawat mabuting paraan upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos sa ating mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021