Ebanghelyo: Lucas 6:12-19
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
Pagninilay
Narinig natin na umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Ang pananalangin ay ang pakikipag-usap sa Diyos. Isa marahil sa kanyang panalangin ay kung sino ang pipiliin Niyang maging mga alagad. Marahil ay humingi siya ng gabay sa Ama na malaman kung sino at anong pamantayan ang Kanyang gagamitin sa pagpili ng mga karapat-dapat maging alagad. Sa kanyang pagbaba, tinawag at pinangalanan niya ang labindalawa. Bakit sila? Sa pamantayan ng mundo, para silang mga walang kuwenta at talunan. Hindi mga nakapag-aral, at walang alam. Bakit sila? Ang alam ko lang, ito ay ang bunga ng kanyang pagninilay at pananalangin. Nakita marahil ni Jesus ang kanilang mga angking galing na kakailanganin sa pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Para sa akin, ang taong marunong manalangin ay hindi magkakamali sa kanyang magiging desisyon dahil tiyak na gagabayan siya ng Diyos. Anuman ang gagawin natin, mainam na lagi tayong tumawag sa Diyos. Gaano man tayo kapagod sa dami ng ating mga ginagawa, huwag nating kaligtaan ang maglaan ng panahong manahimik at magdasal. Tiyak na magiging tama ang ating mga gagawin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022