Ebanghelyo: Lucas 6:6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok siya sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya.
Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, narinig natin ang pagbabalik ni Jesus sa templo. Nakita niya ang isang lalaking may sakit. Marami rin ang nakamasid sa kung ano ang kanyang sasabihin o gagawin. Mga taong naghahanap ng pwedeng maibintang sa kanya.
Likas kay Jesus ang tumulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga taong hindi binigyan ng pagpapahalaga ng lipunan. Batid niya ang iniisip nga mga tao sa kanyang paligid at ang kanilang mga motibo. Pero hindi niya hinayaan na mapigilan siyang gawin kung ano ang mas mabuti. Kaya’t pinagaling niya ang lalaking hindi maigalaw ang kamay. Isang katotohanan: may gawin kang mabuti, may masasabi ang mga tao; may gawin kang masama, lalong may masasabi sa iyo ang mga tao. Kaya mas pinipili ng iba ang walang gawin. Pero ang paanyaya ni Jesus, anuman ang sabihin ng mga tao, ay gawin natin kung ano ang mas mabuti para sa kapwa dahil iyon ang mas tama. Hindi na mahalaga kung ano ang sinasabi ng iba. Ang mahalaga ay kung ano ang masasabi ng Diyos pagharap natin sa kanya. Siya lamang ang nakakaalam at nakakakita ng mga nilalaman ng
ating puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022