Ebanghelyo: Lucas 14:25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.
At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Di ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’
At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba’t uupo muna siya para magisip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.
“At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.”
Pagninilay
“Buhay mo yan, ikaw ang bahalang magdesisyon!” Isa sa mga linyang madalas nating marinig kapag may mga ipinapayo kung ano ba ang nararapat gawin. Totoo naman, lahat nang nangyayari sa buhay natin ay dahil sa ating mga piniling desisyon sa buhay, mabuti man o masama ang kinalabasan nito.
Sa Ebanghelyo, binibigyan ng pagkakataon na mag-isip ng mabuti ang sinumang nagnanais sumunod at maging alagad ni Jesus. Hindi madali ang hinihingi at ang kailangang isakripisyo. Bagamat nais ni Jesus na sumunod tayo sa Kanya, hindi Niya nais na kontrolin tayo na parang mga “robot”. Mayroon tayong kalayaan na pumili. Marami sa atin ang naging katoliko dahil sanggol pa lamang tayo nang tayo’y binyagan. Sa paglipas ng panahon na tayo ay nagkaisip na, inaasahan sana na mas lumawak pa ang ating pang-unawa para magdesisyon sa buhay-pananampalataya natin. Malaking impluwensya kung ang mga tao sa paligid natin ay nakakatulong maipakilala ang kahalagahan ng pagkilala, pakikinig at pagsunod kay Jesus. Mainam din na kung ang dahilan bakit tayo nagsisimba at tumatanggap ng mga sakramento ay dahil alam nating si Jesus ito. Hindi dahil namana mo sa iyong mga magulang, kundi dahil ikaw mismo ay naniniwala sa iyong mga natutunan.
Malaya tayong pumili kung gusto natin sumunod kay Jesus o hindi. Pag-isipan nating mabuti kung aling buhay ang mas tatanggapin natin. Ang buhay na iniaalok ng mundo, na nagtuturo na mag-ipon ka ng mga materyal na bagay o ang buhay na iniaalok ni Jesus, na nag-aanyaya na isuko natin at bitawan ang mga bagay na hindi mahalaga sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022