Ebanghelyo: Lucas 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
Pagninilay
Ang Sabbath o Araw ng Pahinga ay banal para sa mga Hudyo. Para sa kanila, ang pagsunod sa batas sa araw ng Sabbath ay gawain ng isang mabuting Hudyo. Sa ebanghelyo, madalas pansinin ng mga Pariseo si Jesus sapagkat hindi sinusunod ni Jesus ang batas sa Araw ng Sabbath. At upang pukawin sila, ipinahayag ni Jesus na siya ang Panginoon ng Araw ng Sabbath. Inanyayahan tayong panatilihing banal ang Sabbath, ito ang araw ng Linggo at Linggo ng ating Panginoon. Ating tandaan na isang oras lamang ang hinihiling sa atin sa isang linggo para sa Panginoon ngunit hindi pa natin ito pinaglalaanan? Nararapat lang na makikita sa ating mga salita at gawa kung tayo ay isang tunay na nananampalataya. Dapat makikita sa ating pakikipag-ugnayan sa ating kapwa, pamilya at sa trabaho ang ating mabuting asal. Sa pamamagitan nito si Kristo ay magiging Panginoon natin hindi lamang sa Araw ng Linggo, maging sa lahat ng araw ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021