Ebanghelyo: Lucas 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila:
“Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
Pagninilay
Sa bawat pagpapalit ng mga panunungkulan, lagi na lang may nagsusulong ng constitutional change. May mga pagkakataon na nais magpatupad ng batas na sumasalungat maging sa batas na pinaiiral ng Simbahan. Marami sa atin ang umabot na sa kasibulan ng edad ang hindi na maalala kung ano nga ba ang nasa Constitution natin. Napapatanong tuloy ako kung may problema ba sa batas natin?
Sa Ebanghelyo, tinanong ng mga pariseo ang mga alagad ni Jesus tungkol sa ipinagbabawal gawin sa Araw ng Pamamahinga. Nakita nilang humihimay ng mga butil ang mga alagad, na sa kanila’y mahigpit na ipinagbabawal ng batas. Kung ako rin ay nasa panahon ni Jesus, mapapaisip din ako kung bakit bawal ang maghimay ng butil? Sa panahon ngayon, marami tayong batas ang hindi na natin maunawaan. Maraming ipinagbabawal na hindi naman ipinapaliwanag sa atin, lalo na sa mga henerasyon ngayon. Kaya lang napapansin ko rin na iyong mga bawal sa batas ng Diyos ay gusto rin gawing legal. Sa kabilang banda, iyong mga nais ng Diyos na gawin natin ay siyang nagiging bawal. Nawa’y gabayan ng Diyos ang lahat ng mga mambabatas sa kanilang mga ginagawa. Nawa’y sila mismo ang matutong unawain ang mga batas na gusto nilang ipatupad sa mga tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022