Ebanghelyo: Lucas 5:33-39
Sinabi nila kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo mapagaayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti’.”
Pagninilay
“Bagong alak sa bagong sisidlan.” Ang mga tao sa panahon ni Jesus ay tila sanay sa paraan ng pamumuhay ni Juan Bautista at ganoon din ang kanyang mga alagad. Alam natin na mahalaga ang naging papel ni San Juan sa paghahanda sa pagdating ni Jesus. Ngunit nang dumating si Jesus, ang mga alagad ni Juan Bautista ay dahan-dahan na ring sumunod sa kanya. Si Jesus ang bagong alak sa ating buhay kaya nararapat na tanggapin natin siya at gayun din naman ang mga itinuro sa atin. Ganito rin ang karanasan ng mga tao kapag ikaw ay bago sa iyong tungkulin, mapa relihiyoso man ito o pampulitika. Dapat ikaw ay makikibagay ayon sa kinakailangan ng sitwasyon. Dala ni Jesus ang kagalakan ng Kaharian ng Diyos. Kapag binuksan ng mga tao ang kanilang mga puso, nakakaranas sila ng pagbabago sa kanilang buhay, ngunit sa mga taong sarado ang puso noon pa man, walang pababago silang matatamasa. Aling isaisip at isabuhay na kung nasaan si Jesus, mayroong totoong kagalakan, kapayapaan at pag-ibig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021