Ebanghelyo: Lucas 4:31-37
Bumaba siya sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Nagtaka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Pagninilay
Malinaw ang sinabi ng maruming demonyo kay Jesus: “Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Tama naman ang hula ng demonyo, alam niya kung sino si Jesus, ngunit dahil demonyo
siya, ayaw niyang magbago at sumamba sa Banal ng Diyos. Alam din natin kung sino si Jesus, alam natin na siya ang ikalawang Persona sa Santisima Trinidad, na
nagkatawang-tao at ipinanganak kay Santa Mariang Birhen, nagturo siya na may kapangyarihan,
namatay, inilibing, muling nabuhay at umakyat sa langit, at alam din natin na siya’y babalik sa wakas ng panahon. Ngunit kung ang kaalaman tungkol kay Jesus ay hindi maging mabisa sa buhay ng tao, mananatili itong kaalaman lang, at hindi karunungan. Magiging mabisa ang ating kaalaman kung makikita
sa buhay natin ang bunga ng ating pananampalataya: kababaangloob, paglilingkod, kapatawaran at pagkakawanggawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020