Ebanghelyo: Lc 8: 19-21
Pinuntahan naman siya ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
Pagninilay
May kasabihan sa Ingles na “blood is thicker than water.” Ang pagsasalin nito sa Tagalog ay “mas makapal ang dugo kaysa tubig.” Isa sa mga interpretasyon sa kasabihang ito ay wala nang hihigit na relasyon at pakikipagugnayan kaysa sa relasyon ng pamilya. Para sa karaniwang tao, ang relasyon ng miyembro ng pamilya sa isa’t-isa ay hindi na mahihigitan pa ng anumang uri ng relasyon. Ito ay maaaring tama lang sa pamantayan ng tao. Sa pamantayan ng Diyos na ibinunyag ni Jesus ayon sa ebanghelyo, may hihigit pa na relasyon kaysa sa relasyon ng pamilyang binuklod ng dugo. Mas mataas na antas ang pagiging miyembro ng pamilya ng Diyos na bunga ng biyaya ng Espiritu ni Jesus, na Siyang nagbubuklod sa mga taong nakikinig at isinasagawa ang Salita ng Diyos. Maliwanag kay Jesus na ang pagiging tunay na anak ng Kanyang Diyos Ama sa Ngalan Niya, ay isang ugnayan o relasyon na higit pa sa anumang makataong relasyon na mayroon sa mundo. Ang pakikinig, pagtalima, at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos ay ugnayang nakaugat sa kalooban ng Ama, at ng pananatili ng Banal na Espiritu sa puso ng mga tunay na Anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024