by Fr. Larry Miranda, CMF
Natatandaan ko noong bata pa ako paborito ko ang pagtakbo. Natural na ata sa bata yun. Dahil medyo mataas ang lugar namin sa aming barangay sa probinsya, nakagawian ko ng tinatakbo ang kahabaan ng kalsada namin. Di pa sementado lugar namin noon, bakubako pa. Dekada 70. Nakalabas lahat ng bato kaya bahagi na ng pagtakbo ang matisod, matumba, masugatan, magkaPEKLAT.
Naranasan mo na ba sa probinsya yung utusan ka ng tatay, nanay, lola, lolo, tito o tita mo sa tindahan para bumili ng tingi-tinging mantika, gaas, toyo o suka, na tinatakal sa pang-scoop ng gatas na Bonna ng baby noon? Ako madaming beses kong naranasan yan. Pero dahil nga sa kakatakbo, minsan nadadapa…ayun basag ang bote. Patay. Haha. May sugat ka na, may pingot ka pa paguwi. Pag bata ka, parang lahat ng problema sa mundo nakaikot sa basag na bote at mantikang natapon… di mo alintana ang sakit ng sugat at posibleng PEKLAT, kasi mas iniinda mo ang talak ng magulang paguwi. Wala ng bote, wala pang mantika. Ang mahirap kung nakahanda na ang ipiprito o lulutuin tapos yung huling barya na sa bulsa ang pinambili mo sa tindahan bago sumapit ang dilim. No choice pare. Balik ka sa tindahan, mangutang ka…at ipangako mo na babayaran mo sa susunod na araw. Siguraduhin mo lang na marunong kang tumupad sa pangako.
Habang tumatanda ako nawawala mga marka sa katawan ko ng pagkatisod o pagkadapa noon. Umuunat ang balat ng tao. Kumukunat din hehehe. Pero may mga PEKLAT na dala mo hanggang libingan. Bakit? Dahil malalim…napakalalim ng sugat na pinagmulan nito. At madalas, di mo pwede makalimutan ang araw kung saan nasugatan ka. MASAKIT. MAHAPDI.
Doseng taon na pari na ako. Di na ako tumatakbo dahil bibili sa tindahan. Kung tumatakbo man ako ngayon dahil sa minsan mali-late na sa misa. Haha. Di na patingi-tingi ang bentahan ng mantika, toyo at suka ngayon. Kadalasan isang bote na. PERO KAHIT PARI NA AKO…MALAKI PA RIN ANG POSIBILIDAD NA MAGKAPEKLAT AKO. Wag kang magtaka at tumawa (ako mismo natatawa..hahaha). Literal ang tinutukoy kong PEKLAT. As in PEKLAT.
Napuna ko kasi lahat ng Klaresyanong Misyonero na dumaan ng Tungawan, lahat may PEKLAT sa binti. Iba ibang hugis, iba ibang laki, iba ibang design (haha), iba ibang kulay, iba ibang lalim. Pero parepareho PEKLAT. Si Fr. Elias, dala nya PEKLAT nya hanggang maging Canon Lawyer (kahit “Malayo ang Roma“). Si Fr. Jobitz, dala nya PEKLAT nya kahit Church Historian na. Si Fr. Mau, dala nya PEKLAT nya kahit direkyor siya ng Claret Zamboanga. Si Fr. Angel, kahit superior na ng Zamboanga. Si Fr. Edgar, kahit superior ng Basilan. Higit sa lahat, si Fr. Caloy… ang nagiisang buhay na Alamat ng misyon ng mga Klaresyano dito sa Tungawan. Nitong mga huling linggo ni Fr. Caloy dito bago siya nalipat ng assignment, di lang PEKLAT inabot nya. Natanggalan pa ng mga kuko. Sigurado ako si Fr. Buddy na nagaaral pa ngayon sa Roma di pahuhuli yun. Si Badong pa. Hahaha.
Hindi kami fraternity na dumadaan sa hazing para magkaPEKLAT. Relihiyoso at Misyonerong Kongregasyon kami. Hindi paddle ang sanhi ng mga PEKLAT na yaon. Motor. Motorsiklo. At markado ang bawat Klaresyano na dumaan ng Tungawan, sa pamamagitan ng kanilang mga PEKLAT sanhi ng pagkabuwal sa motor habang nasa misyon. Ako gasgas pa lang. Wala pang PEKLAT (“pwera buyag“…haha).
Hindi lang tao ang nagkakaPEKLAT. Hindi lang mga pari ang nagkakaPEKLAT. NagkakaPEKLAT din ang lupa. Si LUZVIMINDA.
Napakaganda ng Tungawan. Worldclass ang mga tanawin namin dito, pwera biro. Pwede kong ipangtapat ang mga beaches at waterfalls namin dito sa mga tourist destinations ng Thailand, na turismo ang ikinabubuhay. Napakaganda ng Lo-ok Labuan beach. Kamangha mangha ang mga waterfalls ng Mosum. Sagana kami sa yamangdagat, lalong lalo na ang Logpond. Pero sa likod ng kagandahang ito, itinatago ng Tungawan ang mga PEKLAT nya na gawa ng kasakiman ng tao.
Madamidami rin ang nag”like” ng aking photo album na Logpond dito sa facebook. Pero ni isa walang nagtanong bakit Logpond ang pangalan ng lugar na ito. Hango ito sa dalawang Ingles na salita (obyus ba? hehe): log at pond. Wala pang nangahas magsulat ng kasaysayan ng lugar na ito kaya nagtanong tanong ako sa mga matatanda ng lugar. Sabi nila, tinawag daw na Log-Pond ang lugar na ito dahil dito ibinabagsak mga troso (logs) mula sa kabundukan ng Tungawan noong panahon pa ng mga Amerikanong kumpanya ng logging. Parang pond din kasi ang hugis ng dagat dito. Banayad ang alon kasi napapaligiran ng bundok at di iaanod ng malayo ang mga troso. Hehehe…May isyu. Exciting na to ‘pre.
Napukaw ang aking curiousity sa lugar dahil nakita ko ang tatak ng USAID doon. Sa loobloob ko lang, “Ano ang ginagawa ng selyo ng Agila sa isang lugar na ang mga tao, Muslim at Kristiayano, ay pawang parang mga basang sisiw sa hirap?” Maliban sa ilang metrong sementong extension mula sa tabingdagat na nagsisilbing detachment ngayon ng mga mababait na kaibigan kong mga CAFGU at ARMY (bantay-dagat), wala akong makitang makabuluhang proyekto na magpapatunay na minsan pa, may AID. Madaming beses na akong bumabalikbalik sa Logpond, pero di ko talaga makita ang “konek” ng USAID sa tindi ng hirap ng mga tao dito. Di bago sakin ang style na ganyan. Galing ako sa East Timor sa misyon namin doon. Hay naku. Nasa loob ng parokya namin noon ni Fr. Rene (Suai at Salele) ang dalawang malalaking balon ng langis. Itim na langis. Puro. Magandang klase. Pagbinubuksan ang mala-water hydrant na tubo nito, parang geyser na sumisirit ang langis pataas. Bago ako umalis ng Salele para bumalik ‘Pinas, binakuran na ng mga sundalong Hapon (Japanese Peacekeepers) ang buong area. Walang kakayahan ang mga East Timorese na i-develop ito. Wala din silang pera. Kaya ang solusyon, gamitin ang US Dollar bilang pangunahing tumatakbong pera ng East Timor hanggang ngayon. Alleluia! Ang cute di ba?
Tayong mga pinoy mababait. Pero minsan ang ating kabaitan may halong katangahan. Wag kang defensive. Totoo kaya. Dito sa Tungawan, bongga na ang pakiramdam ng ilang barangay na mabiyayaan ng ilang metrong solar dryer ng mais o palay o agar-agar. Tapos sa tabi nito nakatayo ang isang buong plywood na abiso “From the Generosity of the People of America in partnership with the Philippine Government“. Talaga lang ha. Diyos ko! Ilang pulgada ng semento lang yan mula sa lupa. Madalas nga siguro di pa buo ang pondo na inilaan doon kasi syempre…heheh. Kailangan pa bang i-memorize yan? Bisyo na tooooooooo. Hahaha. Maluoy na lang ta.
Masaya na ang simpleng magsasaka at mangingisda dito na makatanggap ng donasyong solardryer ng mais, palay o agar-agar. Ang di nila makita ang libolibo at di malipad-uwak na ektarya ng lupa ng Mindanao na kinalbo ng Amerika dahil sa logging matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Nakakatuwa na nakakabwisit. Kung paano protektahan ng mga banyaga ang kanilang mga gubat at likas na yaman sa kanikanilang bansa, ganun din ang ganid nila na abusuhin ang iba. Noong nagkataong nakapasyal ako sa Canada, malaking isyu sa kanila ang makasagasa ng possum sa highway malapit sa gubat. Kailangan i-report mo sa police. Ok lang naman. Pero dito sa atin sa Pinas? Makasagasa ka aso, pusa? Deadma! Minsan nga pati tao pa. Unique talaga ang Pinoy no?
Pero hayaan mo na yun. Nakaraan na yun. Eto ang mas matindi at di ko lalo maunawaan. Pineklatan na tayo ng ibang lahi, kailangan bang peklatan din natin sarili natin? Para tayong mga adik na masohista. hahahaha.
Hayzz. Simple ang tinutukoy kong isyu (dami kasi paligoy ligoy): Illegal logging at illegal mining dito sa amin. Panahon na sana para tayo mismo prumotekta sa ating kalikasan, pero imbes na prumotekta, tayo pa lalo ang sumisira. Sa 46 na kino-cover naming chapels sa buong Tungawan, pasasaan at madadaan ka sa mga pinutol na troso, mga uka ukang lupa ng small scale mining (eto lang ang small scale na ang mga padrino sa likod big fish… estoryahi ko!)… Di ko na kailangan isalaysay pa mga epekto neto, ngayon at sa mga darating pang henerasyon. Nakakatamad na. Alam nyo na yan.
Hindi ako lumad ng Mindanao. Pero tuwing tinitingnan ko Peklat ng Tungawan, iisa ang nasa isip ko. Ano kaya ang magiging kinabukasan ng mga sanggol na kabibinyag ko pa lang dito? Pag nasa punto na akong ganito, pasasaan ba’t tatakbo pa rin sa ganitong dialogue “Hindi sila papabayaan ng Diyos“.
Hay ewan. Maka-repack na nga lang netong mga school supplies na dadalhin namin sa bundok bukas. Kalbuhin man nila ang gubat, bombahin man nila ang dagat, butasin man nila ang lupa … DUYUG MINDANAO!