Ebanghelyo: Marcos 10:1-12
Umalis doon si Jesus at nagpunta sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao na naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.”
Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.”
Pagninilay
Nang bata pa siya, dumayo pa ang lolo ko sa ibang lugar para lang makahanap ng kalahi na mapapangasawa. Sa araw ng linggo dumating siya sa bayan kung saan nakatira ang lola ko. Lunes sila nagkakilala. Martes namanhikan. Huwebes na ang kasal. Sabado ay naglakbay na sila patungo sa probinsya ng lolo ko. Ganyan kabilis.
Maraming beses, tinanong ko ang aking lola kung talagang mahal niya ang aking lolo. Ang lagi niyang sinasagot ay: “Kailangan!” Kailangan niyang ibigin ang katipan niya, at nasaksihan namin ang kanilang pag-aaruga sa isa’t isa, at ang kanilang katapatan, hanggang sa huling yugto ng kanilang buhay. Naging inspirasyon sila para sa aming lahat. Binasbasan ng Diyos ang kanilang pagsasama na nagbunga ng marami at maganda. Hindi lang sila mag-asawa, kundi matalik na magkaibigan.
Sa aklat ng Sirac ay nakasulat na nakatagpo ng kayamanan ang nakatagpo ng matapat na kaibigan, “walang katumbas ang matapat na kaibigan; wala siyang kasing-halaga”. Pagnilayan natin kung sinu-sino ang matatalik na kaibigan na ibinigay sa atin ng Diyos, at arugain natin sila dahil sila’y ang ating kayamanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025