Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
“Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.
Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama.
“Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
Pagninilay
Kung alam na ng Diyos ang mga hangarin sa loob ng ating mga puso at ang ating mga pangangailangan, bakit pa tayo magdarasal? Paano tayo manalangin? Ang dasal ay pakikipagugnayan tulad ng ginagawa nating pakikipagusap sa mga taong malapit sa ating puso – asawa, magulang, anak, kamaganak at mga kaibigan. Sa ating panalangin, kinikilala at pinalalakas ang ating relasyon sa Diyos bilang kanyang mga anak kung kaya’t sinasabi nating “Ama namin.” Sa pamamagitan din ng pagdarasal, nakikinig tayo sa Panginoon sa kanyang kalooban kung kaya’t binibigkas natin “sundin ang loob mo.” Ipinapahayag natin ang ating pananalig sa Kanya sa pagwika, “bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin.” Kinikilala rin natin ang ating pagkakasala at ang pangangailangan natin sa kanyang awa at kapatawaran at dahil dito’y nagiging mapagpatawad tayo sa nagkasala sa atin. Sa dasal na ito, nananalig tayo sa Panginoon na bibigyang proteksyon tayo sa mga pagsubok at nasa kanya ang ating kaligtasan. Makipagusap tayo tuwina sa Panginoon tulad ng isang anak na malapit sa kanyang mapagmahal na ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023