Ebanghelyo: Mateo 9:14-15
Noo’y lumapit sa Kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
Pagninilay
Para sa mga Pariseo ang pagiging matuwid ay nakatuon sa panlabas na pagsunod sa Batas. Nakalilimutan nila ang mga mas mahalagang bagay tulad ng awa, pagiging sensitibo at malasakit sa kapwa. Gayunpaman, inaanyayahan tayo ni Jesus na huwag lamang tumingin sa panlabas. Ang pagiging matuwid ay dapat magsimula sa layunin ng puso. Bilang tao, may kakayahan tayong magpanggap na maging mabuti sa panlabas. Ngunit nais ng Diyos na tayo’y maging mga taong may integridad: na ang mabuting sinasabi natin o ginagawa sa labas ay nagmumula sa ating puso. Ang mga propeta ay nagpayo sa Israel sapagkat ang kanilang mga puso ay tumalikod sa Panginoon. Ang kanilang mga sakripisyo ay naging panlabas na mga gawa ngunit ang kanilang mga puso ay puno ng masamang hangarin, kawalang-katarungan, imoralidad, pagkamakasarili, at pagsamba sa mga idolatriya. Tinawag sila ng Diyos na magkaroon ng bagong puso at bagong espiritu. Iyan din ang panawagan ng Diyos para sa atin. Ipinakita sa atin ni Jesus ang daan, ang mamuhay ayon sa puso ng Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020