Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para maki-pagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
Ayon sa isang linya ng katapusang awit ng dulang musikal na Les Miserables, “to love another person is to see the face of God.” Ang magmahal sa kapuwa ay ang makita ang mukha ng Diyos. Tunay na hindi mapaghihiwalay ang pagmamahal sa kapuwa at pagmamahal sa Diyos. Hindi maituturing na pagmamahal kung pumipili lamang ng isa. May ugnayan ang pagsamba at pakikipagkapuwa. Ang relasyon natin sa ating kapuwa ay marapat lamang na magdala sa atin patungo sa Diyos. Gayundin naman, ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos ay magdadala sa atin pabalik sa kung paano tayo nakikitungo sa ating kapuwa. Nais ba nating makita ang mukha ng Panginoon sa ating mga panalangin? Mahalin natin ang ating kapuwa lalo’t higit ang mga maliliit at mga dukha.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021