Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo
sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.
Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nagaayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
Sa mga bansa sa Kanluran, ang panahon ng Karnabal ay nauna sa panahon ng Kuwaresma. Sa panahon ng Karnabal suot ng mga tao ang magagarbong damit at maskara. Ang Miyerkules ng Abo naman ay panahon upang itapon natin ang mga maskara na suot natin araw araw upang patunayan na tayo’y mabubuting magulang, anak, at mamamayan; mga maskara na isinusuot natin upang matanggap at mahalin ng mundong mapanghusga.
Nagsisimula tayo sa pag-aayuno na makakatulong sa atin na matandaan kung ano ang talagang mahalaga sa buhay, na tumutukoy sa tinapay na bumubusog sa atin at sa tubig na pumapawi sa ating pagkauhaw. Sa loob ng apatnapung araw ay susubukan nating ituon ang ating sarili sa mga bagay na kailangang mabago, sa kasalanan na pumipigil sa atin na mamuhay bilang mga tao ng Muling Pagkabuhay, sa kalungkutan na pumipigil sa atin upang mabuhay bilang mga anak ng Diyos. Nagsisimula ang Kuwaresma sa tanda ng pagpapataw ng mga abo, upang ipaalala na tayo ay alabok lamang at ang buhay sa mundo ay dumaraan lamang. Tayo ay tinatawag upang iugat ang ating sarili sa Diyos at sa kahalagahan ng Kaharian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020