Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga- Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Naghahanap tayo ng palatandaan o senyales sapagkat gusto nating may nagbibigay sa atin ng kasiguruhan. Bago gawin ang isang desisyon, nais nating ito nga ang tama. Bago makipagrelasyon sa isang tao, gusto nating siya na nga ang itinadhana. Ngunit paano tayo makasisigurong tama nga ang mga tanda na ating sinusunod? Inaanyayahan tayong maging bukás at sensitibo sa galaw ng Espiritu. Nangungusap ang Panginoon sa napakaraming paraan bagama’t hindi natin siya nakikita. Wika pa nga, ang bawat araw ay pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos. Mula paggising sa umaga hanggang sa pagtulog sa gabi, nangungusap ang Panginoon. Siya ang Dakilang Tanda na naroroon sa mga Sakramento, sa Banal na Salita, sa mga taong ating nakakasalamuha, sa kalikasan at marami pang iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021