Ebanghelyo: Marcos 9:14-29*
(…) Itinanong naman niya sa kanila: “Bakit kayo nakikipagtalo sa mga ito?” At sinagot siya ng isang lalaki mula sa mga tao: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping espiritu. (…) Hiningi ko sa iyong mga alagad na palayasin ito pero hindi nila kaya.” Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya! Gaano pa katagal akong mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.”
(…) Tinanong naman ni Jesus ang ama: “Gaano na katagal na nangyayari ito sa kanya?” At sumagot ang ama: “Mula pa sa pagkabata at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit kung kaya mo, maawa ka sa amin at pakitulungan kami.” Sinagot siya ni Jesus: “Ano itong ‘kung kaya mo’? Lahat ay posible sa sumasampalataya.” At agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing “Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang maliit kong pananampalataya.” Nakita ni Jesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos niya sa masamang espiritu: “Pipi at binging espiritu, inuutusan kitang lumabas sa kanya at huwag nang bumalik.” Nagsisigaw ang espiritu at inilugmok ang bata sa lupa bago lumabas. (…) Pagkapasok ni Jesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa panalangin lamang mapalalayas ang ganitong klaseng espiritu.”
Pagninilay
“Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang maliit kong pananampalataya.” Ang panalangin ng isang ama, na nabigo sa mga alagad, ay maituturing na isa sa pinaka-awtentikong panalangin sa buong ebanghelyo. Hindi niya sinisi ang Guro; siya ay nag-aalala lamang sa kalusugan ng kanyang anak. Hindi siya nag aalinlangan tungkol sa pananampalataya; nais lamang niyang gumaling ang kanyang anak. At tinatanggap niya ito. Kinikilala niya na wala siyang sapat na pananampalataya. At si Jesus ay namamagitan, umuunawa at nagpapagaling.
Ang mga apostol, sa kabilang banda, na bumaba mula sa bundok ng Pagbabagong-anyo, ay kumbinsido na maaari nilang gawin ang lahat at magtatagumpay. Ngunit hindi ito nangyari. Tanging ang Diyos lamang ang maaaring magpagaling. Oo, ibinabahagi ng Diyos ang biyayang ito sa atin ngunit kailangan natin na patuloy na lumago sa kanya at kasama niya … at ang Panalangin ay ang susi sa paglago natin sa kabanalan at paglilingkod.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020