Ebanghelyo: Lucas 6:27-38
Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ariarian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo nang malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang] sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad
kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
collection: “Magbigay tayo sa Panginoon, tayo ay magbigay; ibabalik, siksik, at umaapaw…” At nakakatuwang makita kung gaano kabukas-palad ang mga tao sa kanilang pagbibigay. Kapag tayo ay nagbibigay, tayo rin ay bibigyan, at lumalabis pa ang ating tatanggapin. Bilang isang dayuhan sa Pilipinas, nagtataka pa rin ako kapag nakikita ko kung gaano kaaktibo ang mga tao pagdating sa mga fund-raising upang tulungan ang mga dukha. Lalo na kapag may kalamidad: makikita natin ang mga iba’t ibang grupo na kumikilos para magbigay ng ayuda sa mga nasalanta. Hindi sinasayang ang pagkakataon na tumulong kapag may mga ganitong gawain. Tayo rin ay inaanyayahan ni Jesus na gumawa ng mga kahanga-hangang gawa. Isang mabuting halimbawa kung magbibigay tayo hindi lang ng mga bagay na materyal, pati na rin ang mag-alay ng oras natin bilang volunteer. Ngunit, ang tunay na kahanga-hanga ay ang pagiging bukas-palad para sa mga taong hindi tumulong sa atin noong tayo ang nangangailangan, at ang gumawa ng mabuti sa gumawa sa atin ng masama. Sa ebanghelyo, inulit ni Jesus ng dalawang beses ang “mahalin ninyo ang inyong kaaway”. Minsan, likas sa tao pag may kaharap na kalaban ay lumaban, maghiganti, makipag-away, o kaya’y umiwas. Pero, paano natin magagawa ang umibig sa kaaway? Ito’y magagawa lamang natin kung nasa atin ang Espiritu ng Diyos. Posible ba ang pagiging maawain kagaya ng Diyos Ama? Hindi tayo hihingian ni Jesus ng hindi maaari, kaya posible itong gawin kung magiging bukas tayo sa Espiritu. Magbigay tayo sa Panginoon, tayo ay magbigay.
© Copyright Pang Araw-araw 2025