Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa arawaraw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
Ilang taon na ring nagtatrabaho si Dennis sa Roma bilang isa sa napakaraming OFW doon. Wala pa siyang sariling pamilya nang magsimula siya ngunit ngayo’y may asawa na at dalawang anak na. Ganun na lamang ang kanyang pagsisikap, pagsasakripisyo at pagpupunyagi upang maitaguyod ang kanyang pamilya. Wika pa nga niya minsan noong pasalamatan niya ang kanyang pamilya sa kanyang kaarawan, “Wala akong ibang hiling kundi ang mahalin kayo hanggang sa aking huling hininga.” Dakila ang pagmamahal ng isang ama sa kanyang pamilya. Tiyak na higit pa roon ang pagmamahal ng ating Amang nasa langit. Batid niya ang ating mga pangangailangan at kung ano ang ninanais ng ating mga puso na siyang makabubuti sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021