Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”
Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hindinghindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
“Sweet Christ on earth.” Sa ebanghelyo, palaging ipinapahayag ni Jesus ang tungkol sa Kaharian ng Langit. Itinalaga rin niya ang Simbahan bilang
ang kanyang Katawan na magpapatuloy sa ebanghelisasyong sinimulan Niya. Si Pedro, at ang mga magiging kahalili niya, ang tumatanggap ng kapangyarihan, responsibilidad, pananagutan, at tungkulin na magturo ng katotohanan at gumabay sa Bayan ng Diyos. Nakakalungkot makita at marinig kapag may mga kristiyano na hindi masaya at sumasalungat pa sa pagtuturo ng isang Santo Papa at ng Simbahan. Isinulat ni Sta. Catalina ng Siena na ang Santo Papa ay matatawag na “sweet Christ on earth”. Naaalala ko noong 2013 nang pinili si Papa Francisco, lumabas siya sa balkonahe at ang una niyang sinabi sa mga taong nagtitipon sa Plaza ni San Pedro ay: “Fratelli e sorelle, buona sera” (Mga kapatid,
magandang gabi), at sabay nagbigay ng matamis na ngiti sa kanyang kawan. Kung makikinig tayo sa Santo Papa, kay Kristo tayo nakikinig. Lalago ang Kaharian ng Langit sa ating matapat na pagsunod sa kanilang pagtuturo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025