Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”
Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
Ngayon ay kapistahan ng Luk-lukan ni Apostol San Pedro. Marahil nakakapagtaka bakit may pista ang isang upuan. Pero hindi ito patungkol sa isang upuan, kundi sa pagpili ni Jesus kay San Pedro na siyang tagapamahala ng simbahan. Ang sagot na kanyang sinabi sa tanong ni Jesus kung sino siya, na siya ang “Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay,” ay tanging sa Ama na nasa langit nanggagaling. Kaya naman itinagubilin ni Jesus kay Pedro ang susi at ang kapangyarihan na pangasiwaan ang simbahan.
Ang malalim na pagkakakilala ni San Pedro kay Jesus ay siya ring naging dahilan kung bakit niya nasambit ang mga katagang iyon. Kung walang lalim ang kanyang pagkakakilanlan, baka kagaya rin ang sagot niya sa karamihan. Kung tatanungin tayo ni Jesus ngayon kung sino siya para sa atin, ano kaya ang ating magiging tugon? May lalim kaya, o personal ba ang ating isasagot, o gagaya lang tayo sa mga nabasa natin o sa mga naisulat ng iba? Maari ba nating sagutin si Jesus ng isang sagot na galing sa puso? Ang sagot natin ang siyang magdi-dikta o magsasabi kung meron nga ba, o wala, akong totoong relasyon sa kaniya. Harinawa’t mapalalim natin ang ating ugnayan kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022