Ebanghelyo: Marcos 8:34—9:1
At tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, at sinabi: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng sarili alang-alang sa akin at sa ebanghelyo ang magliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? At pagkatapos ay ano ang maibibigay niya para mabawi ang kanyang sarili? Ang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa harap ng ditapat at makasalanang lahing ito ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niyang taglay ang luwalhati ng kanyang Ama, kasama ng mga banal na anghel.” At idinagdag ni Jesus: “Totoong sinasabi ko sa inyo na di daranas ng kamatayan ang ilan sa mga naririto hanggang hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Pagninilay
“Sadyang magpapasan tayo ng krus.” Isang tao ang malungkot dahil sa marami niyang pinagdadaanan sa buhay. Isang gabi, nagsumamo siya kay Jesus na palitan ang kanyang krus. Habang natutulog siya, napanaginipan niya ang “pagawaan ng mga krus”. Ito’y tila isang malaking bodega. “Hayan – wika raw ni Jesus – ikaw ang pumili ng iyong krus”. Nahiya siyang pumili ng maliit na krus, dahil kaya naman niya. Natakot din naman siyang pumili ng mabigat na krus, dahil baka hindi niya kakayanin. Nang sa wakas nakapili na siya, sinabi ni Jesus: “Anak, baliktarin mo ang krus, may pangalan sa baba.” Nabasa ng tao ang kanyang pangalan na nakaukit sa kahoy, krus niya pala yun! Hindi mawawala ang mga pagsubok sa buhay ng tao. Sadyang magpapasan tayo ng krus – ang mga pinagdaanan at mga sitwasyon na nagpapabigat sa buhay natin. Ang pagtatakwil sa sarili at ang pagbubuhat ng krus ay paraan kung paano tayo makakasunod kay Jesus bilang alagad. Hindi naman tayo bibigyan ng Diyos ng isang krus na hindi natin kayang pasanin. Hindi papayag ang Diyos na magkaroon tayo ng mga pagsubok na hindi natin kayang lampasan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025