Ebanghelyo: Marcos 8:27-33
At pumunta si Jesus kasama ang Kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong Niya ang Kanyang mga alagad: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa mga propeta kaya.” At tinanong Niya sila: “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro: “Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan Niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa Kanya. At sinimulan Niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga Siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin Siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong-tapang siyang nagsalita. Dinala naman Siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus, nakita Niya na naroon din ang Kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan Niya si Pedro: “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.”
Pagninilay
“Sino raw ako ayon sa mga tao? Ito rin ang tinatanong sa atin? Madali magbigay ng sagot na mula sa katesismo: siya ay “Anak ng Diyos”. Ngunit nais ng Panginoon ang sagot mula sa ating sariling karanasan, mula sa ating puso. Nakikilala ni Pedro si Jesus bilang ang Mesiyas. Gayon din ang mga alagad at ang mga tao. Ngunit alam ba nila kung sino talaga si Jesus? Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad kung ano ang ibig sabihin ng pagiging Mesiyas: na siya ay magdurusa at iaalay ang kanyang sarili hanggang sa kamatayan. Hindi ito katanggap-tanggap para kay Pedro. Paano na maaaring magdusa ang Anak ng Diyos? Tulad ng mga alagad, gusto natin ang isang makapangyarihang Diyos na namamagitan sa ating buhay, nagpapagaling sa ating mga sakit, at nilulutas ang ating mga problema. Ngunit ang paraan ni Jesus ay sa pamamagitan ng krus. Hindi natin masasabi na si Jesus ay ang Kristo maliban na umakyat tayong kasama niya sa krus. Ito ang krus na simbolo ng tunay na pag-ibig. Si Jesus ay ang Kristong naglalakbay kasama natin sa kabila ng napakaraming kaguluhan sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020