Ebanghelyo: Mc 1: 12-15
Kayat itinulak siya ng Espiritu sa disyerto, at apatnapung araw siyang nanatili sa disyerto. Tinukso siya ni Satanas; kasama niya ang mga hayop, at pinaglingkuran siya ng mga anghel. Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
Pagninilay
Minsan ay sumikat ang awiting nagsasabi ng ganito, “O, tukso, layuan mo ako.” Ito marahil ang damdamin ng mga taong nahihirapanng makibaka sa dumarating na tukso sa kanilang buhay. Ang totoo, hindi lalayo ang tukso. Palaging naririyan si Satanas upang tayo ay subukin. Si Jesus mismo ay nakaranas na tuksuhin o subukin ng Diyablo nang manatili siya sa ilang sa loob ng apatnapung araw. Lubhang maikli ang salaysay ni San Marcos kung ihahambing sa mga ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas. Walang detalyeng inihahanay si San Marcos ukol sa uri ng tuksong hinarap ni Jesus. Ayon sa mga Iskolar ng Biblia, ang salitang ginamit sa pagtukso ay peirazo na ang salin ay pagsubok o test. Sinubok ang katapatan ni Jesus at siya ay nagtagumpay. Tayong mga sumusunod kay Kristo ay daranas din ng mga tukso at pagsubok. Araw-araw ay nariyan si Satanas upang tayo ay subukin. Ang pamamaraan ng Diyablo ay kakaiba. Ipinakikita niya na ang masama ay mukhang mabuti kaya ating ginugusto. Nililinlang tayo, kaya, kailangan ang matalinong pagsusuri, pagninilay at panalangin upang hindi tayo magapi. Ngayong Panahon ng kuwaresma, tinanatawag tayong magpakabanal at supilin ang sarili sa masasamang hilig ng katawan. Mahalaga ang pag-aayuno at abstinenysa upang maging matatag ang ating kaluluwa at matapang sa pagiwas sa nasa ng laman. Umaalingawngaw ang tinig ni Jesus, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan. Iyon ang ibig sabihin ng pagpapahid ng abo noong nakaraang Miyerkules, “Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya.” Ang pagbabagong-buhay ay nangangailangan ng pagtalikod sa makasalanang buhay. Kung dating sinungaling ay dapat nang magsabi ng totoo. Kung dating maramot ay dapat nang maging mapagbigay. Ito ang ibig sabihin ng metanoia. Kailangang ang ikot o pagtalikod na 180 degrees. Tayo ang tatalikod sa masama. Huwag na tayong umawit ng “Tukso, layuan mo ako.” Hindi lalayo ang tukso. Tayo ang dapat lumayo rito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024