Ebanghelyo: Lucas 9:22-25
Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng kanyang sarili alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?
Pagninilay
Sa kanyang kabataan, minabuting pumunta ni San Antonio Maria Claret sa Barcelona, Espanya upang doon magpaka- dalubhasa sa desenyo ng tela. Tunay na naging matagumpay siya at naging tanyag na nagbukas ng napakaraming oportunidad para sa kanya. Ngunit sa kabila ng pagpupunyagi ng mundo, pinagsaisangtabi niya ang tunay na magliligtas sa kanyang kaluluwa. Isang araw ay bigla syang pinukaw nang kanyang marinig ang pagwika ng Salita ng Diyos: “Ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong mundo ngunit mawawala naman at mapapahamak ang kanyang sarili?” Makamtan man natin ang yaman at kapangyarihan ng mundo, sa bandang huli’y batid nating tanging Diyos lamang ang mananatiling tanging yaman. Dahil dito’y muling tumalima si San Antonio Claret at naglaan ng sarili sa kanyang tanging yaman, ang Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021