Ebanghelyo: Lucas 6:17, 20-26
Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon. Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo! Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Pagninilay
“Sa Kaharian ng Langit nauuna ang dukha.” Mababasa nating muli ang tinatawag sa wikang ingles na Beatitudes, o Beatitudo sa wikang latin; ang ibig nitong sabihin ay “kaligayahan” o “pagpapala”. Sa mga “kaligayahan” nito makikita natin ang puso ng Mabuting Balita, kung saan binabaliktad kung anong mahalaga sa mundo at sa tao. Sa Kaharian ng Langit nauuna ang dukha, ang nagugutom, ang nauuhaw, ang tumatangis; samantala naiiwan ang mayaman, ang busog, ang taong happy lang. Syempre naman, wala sa atin na may gustong maging mahirap, magutom, umiyak, o ilagay sa pag-uusig. Hindi talaga ito hahanapin ng tao maliban na siya’y isang dakilang santo ng Simbahan. Maraming santo ang napiling maging sadyang mahirap, magutom, o magpakasakit para sa Kaharian. Ito’y isang espesyal na biyaya ng Diyos sa kanila. Ang hinahanap ng tao’y maging masaya, maramdaman ang kaligayahan. At ang mga Beatitudes ang paraan na itinuturo sa atin ng Panginoon. Sa ating hanap-buhay, hangad nating madagdagan ang mga materyal na bagay, at maayos lang naman ito. Pero kung ito lang ang pokus ng tao, at wala nang iba, magiging materialistic siya. Gusto rin natin kumain at uminom ng masarap, at maayos din naman ito, pero kung ito lang ang hinahanap natin, magiging makasarili tayo. Makikita natin sa buhay ng mga santo na hinanap nila ang katwiran, ang kahabagan, at ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sa tamang pakikinig at pagtupad sa “mga pagpapala”, mabubuhay tayo nang may katwiran, makapagpapamalas ng habag at kababaang-loob, at makasusunod sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025