Ebanghelyo: Marcos 8:22-26
Pagpasok nila sa Betsaida, isang bulag ang dinala sa kanya at hiniling sa kanyang hipuin ito. Inakay ito ni Jesus sa labas ng bayan, pinahiran ng laway ang mga mata nito at ipinatong ang kanyang mga kamay. At saka niya ito tinanong: “May nakikita ka ba?” Tumingin ang tao, at sinabi nito: “Parang mga punongkahoy ang nakikita ko pero lumalakad, tiyak na mga tao ito.” Kaya agad na ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata nito, at nakakilala siya at gumaling, at nakita nga niya nang malinaw ang lahat. Pinauwi ito ni Jesus sa pagsasabing: “Huwag kang pumasok kahit na sa nayon.”
Pagninilay
Kadalasan, nauubos ang ating mga oras at enerhiya sa mga wala namang kabuluhang ba gay habang ang tunay na kaya-manan ng buhay ay hindi napa-pansin, hanggang sa mawala na lang ito. Halimbawa, may kwento ng tatlong maya na nag-aagawan ng mga mumo ng tinapay. Matindi ang kanilang pag-aagawan hanggang ang isa sa kanila ay nakasungkit ng mas malaking piraso. Naghabulan sila hanggang naubos ang tinapay. Sa kaguluhan, hindi nila napansin na ang mas malaking piraso ng tinapay ay nasa lupa na.
Paano ba ako nabubulag? Ano ba ang ayaw kong makita o marinig? Minsan nagbubulag-bulagan tayo sa mga ayaw nating harapin sa buhay. Tina tabunan natin ito ng mga walang kabuluhang bagay dahil nga ayaw natin itong isipin. Gayunpaman, hindi ito nawawala at patuloy itong gagambala sa atin. Hingin natin sa Panginoon na buksan niya ang ating mga mata nang makita natin ang totoong gustong ipakita ng Diyos sa atin. Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa. Dahil kung hindi, iika-ika tayo sa pagtahak sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022