Ebanghelyo: Marcos 8:1-10
Nang mga araw na iyon, marami rin ang sumama sa kanya at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.” Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pirapiraso pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
Pagninilay
“Labis siyang naaawa sa kanila.” Napakagandang tingnan ang pag-oorganisa ng mga outreach programs para sa mga mahihirap, o para sa mga nasalanta ng bagyo o iba pang kalamidad. Nakita natin ito noong pandemya sa pagbibigay ng ayuda sa mga dukha. Pero hindi lang noon, lagi naman nakikita lalo na kapag may reunion ang isang batch at nagkakaroon sila ng outreach. Ang ebanghelyo ngayon ay nagtuturo sa atin kung ano ang magandang katangian kapag tayo’y tumutulong sa kapwa. Lumapit ang mga tao kay Jesus, magkasama sila ng mga ilang araw, nakita ni Jesus na gutom na sila, at labis siyang naaawa sa kanila. Naghanap ng maibibigay sa kanila, at sila’y pinakain. Pagtuunan natin ang nangyari: Nagkasama muna sila, tapos sila’y “tiningnan” at kinahabagan ni Jesus, at sa huli’y tinulungan. Mahalaga ang pagiging malapit sa mga nangangailangan, at nakapaganda kung ang ating pagtulong ay mula sa isang pusong maawain na tumitingin sa mababang kalagayan ng kapwa. Nawa’y magbigay ito sa atin ng inspirasyon sa pagbibigay ng tulong sa kapwa, na hindi maging panlabas na gawain lamang. Sa halip, ito’y bunga ng isang pusong may pakialam at puno ng habag.
© Copyright Pang Araw-araw 2025