Ebanghelyo: Marcos 8:22-26
Pagpasok nila sa Betsaida, isang bulag ang dinala sa kanya at hiniling sa kanyang hipuin ito. Inakay ito ni Jesus sa labas ng bayan, pinahiran ng laway ang mga mata nito at ipinatong ang kanyang mga kamay. At saka niya ito tinanong: “May nakikita ka ba?” Tumingin ang tao, at sinabi nito: “Parang mga punongkahoy ang nakikita ko pero lumalakad, tiyak na mga tao ito.” Kaya agad na ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata nito, at nakakilala siya at gumaling, at nakita nga niya nang malinaw ang lahat. Pinauwi ito ni Jesus sa pagsasabing: “Huwag kang pumasok kahit na sa nayon.”
Pagninilay
Hindi madali ang kalagayan ng isang bulag. Hindi niya masilayan ang kagandahan ng kapaligiran at ang mukha ng kanyang mga mahal sa buhay at limitado maging ang kanyang paggalaw. Kaya nga’t nais ng isang bulag na makakita. Ngunit para sa mga nakakakita, meron pa ring mga nananatiling bulag o nagbubulagbulagan sa mga bagay na walang hanggan. May mga nabulag ng makamundong bagay na di na makita ang mga bagay na mas mahalaga sa buhay. Minsa’y binubulag din tayo ng kasakiman at pagkamakasarili at di na natin napapansin ang mga nangangailangan sa ating paligid. Minsa’y nabubulag tayo sa pagtitiwala lamang sa sariling lakas at kaalaman. Di na natin makita ang pagkilos ng Diyos sa ating buhay. Nawa’y hipuin ng Diyos ang ating mga mata nang makita natin ang mga bagay na mas mahalaga. Nang sa gayon, mamamalas natin ang pagkilos ng Diyos sa ating buhay at sa ating mga kapatid na siyang mukha ng presensya ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023