Ebanghelyo: Marcos 8:14-21
Nakalimutan nilang magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.”
Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pagninilay
Nakalimutan ng mga apostol magdala ng pagkain para sa biyahe. Mayroon lamang silang dalang isang tinapay. Paano ito magkakasya sa kanilang lahat? Ang mga ito ay mga kalalakihan na mayroong masaganang gana sa pagkain. Dagdag pa nito, nasa gitna na sila ng dagat.
Gayunman, hindi nababahala si Jesus sa kanilang gutom. Inatasan niya sila na mag-ingat sa “lebadura” ni Herodes at ng mga Pariseo. Hindi nila naintindihan agad ang kanyang mga sinasabi. Akala nila tinutukoy niya ang kawalan nila ng makakain. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay ganap na magkaiba ang mga pag-iisip. Ang kanyang mga alagad ay nakatuon lamang sa gutom na nara-ramdaman, kaya naman si Jesus ay nainis sa kanilang pagtuon sa sarili.
May mga oras na nakatuon din tayo sa ating sarili, kaya hindi na natin napapansin ang nasa paligid natin. Minsan naman, dahil sa kitid ng ating mga nakikita, ang mga bagay lamang na nasa harap natin ang ating binibigyang-pansin at kinakalimutan na nating tingnan ang kabuuan nito. Sandali tayong manahimik at tingnan ang nasa palibot natin. Baka mas mayroong nangangailangan o mayroong mas seryosong isyu na kailangan nating pagtuunan ng pansin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022