Ebanghelyo: Marcos 7:31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa langit, nagbuntunghininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan”. Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
Pagninilay
“Ang kasalanang mana.” Sa Genesis binasa natin ngayon kung paano sumuway sa utos ng Diyos sina Adan at Eba at nawala ang kabanalan at katarungan na taglay sa kanila noong una. Ang “kasalanang mana” ay isang sinful condition, na kalagayan natin nang tayo’y ipinanganak. Maski pagkatapos ng binyag, ay nanatili pa rin sa atin ang pagkahumaling o kamunduhan, na ito ay hindi kasalanan ngunit istado na “tumutulak” sa kasalanan. Ang Paglikha at ang Pagkahulog ng tao ay nasa Plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa takdang panahon ipinadala Niya sa atin ang kanyang Anak, upang maging ating Guro at kaibigan. Nang nagkasala sina Adan at Eba naramdaman nila ang matinding hiya at sila’y nagtago. Ang hiya ay dahil nakunsensya sila sa kanilang ginawa. Ramdam din natin ito sa tuwing tayo’y nagkakasala, at ito din ay tulong sa atin para magsisi at magbago. Napakababa na sabihan ang isang tao na “walang siyang hiya”, ibig sabihin na manhid ang kanyang kunsensya. Ang pagsusuri ng budhi, ang pangungumpisal, at ang pagbabasa ng mga nagbibigay ng inspirasyon, ay makakatulong sa atin upang manatiling malusog sa ating buhay espirituwal.
© Copyright Pang Araw-araw 2025