Ebanghelyo: Marcos 8:14-21
Nakalimutan nilang magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Magingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.”
Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinaguusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pagiisip? May mata kayong di nakakakita at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pirapiraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labin dalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang ba yong na puno ng mga pirapiraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pagninilay
Mahabahaba na ring panahon na kasama ni Jesus ang kanyang mga alagad. Naranasan na nila ang buhay ni Jesus. Nakapakinig na sila sa kanyang makapangyarihang turo. Nasaksihan na nila ang himalang ginawa ni Jesus tulad ng pagpapagaling sa maysakit at pagpaparami sa tinapay upang pakainin ang libong tao. Subalit hindi pa rin nila maunawaan ang kanyang mga turo gamit ang talinhaga. May mga mata silang di nakakakita at mga taingang di nakakarinig. Kung kaya’t hanggang sa tinapay ng mundo lamang ang abot ng kanilang isip. Si Jesus ang tinapay ng buhay na tanging makabubusog. Nawa’y di tayo malinlang ng mga pansamantalang bagay na di makapagbibigay ng buhay na walang hanggan. Huwag nawa tayo malinlang ng mga pangakong di nagtatagal. Pakinggan natin si Jesus upang ang kanyang mga salita ay maging gabay sa pagtatamo natin nang kasiyahan ng piging sa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023