Ebanghelyo: Mc 8: 14-21
Nakalimutan nilang magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.” Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pagninilay
Isa pang awitin – Don’t forget to remember me. Nakakagulat nga dahil may “don’t forget” na ay may “remember” pa. Doble na ‘yon. Sa Lumang Tipan ay pinagpapalit-palit ang mga salitang iyon. Minsan ay “alalahanin.” Minsan naman ay ‘huwag lilimutin.” Iisa pa rin ang tagubilin sa mga Isarelita na nakaranas ng kabutihan ni Yahweh. Sa ebanghelyo ngayon ay nagtanong si Jesus, “Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang tinapay?” Dinugtungan pa niya, “At hindi pa rin ninyo nauunawaan?” Kapos nga ang isip ng mga alagad kaya’t hindi nila nakikita ni nauunawaan ang kanyang mga pagpapala. Naghahanap pa sila ng kagila-gilas na mga bagay upang maniwala sa lakas, kapangyarihan at pagmamahal ng Panginoon. Napakaraming mga biyaya ang ibinubuhos ng Diyos sa atin. Hindi kayang bilangin ang mga mabubuting bagay na kanyang ginagawa para sa ating kapakanan. Sana ay palagi nating alalahanin at pasalamatan ang kanyang walang katapusang pagkalinga at pagmamahal. Huwag na huwag tayong makalilimot.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024