Ebanghelyo: Marcos 8:1-10
Nang mga araw na iyon, marami rin ang sumama sa kanya at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.”
Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito.
Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pirapiraso – pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
Pagninilay
Hindi imposible na mapakain ni Jesus ang napakaraming tao sapagkat siya’y Diyos at makagagawa ng himala. Pero may posibilidad na ang himalang naganap ay hindi lamang tulad ng isang magic na biglang dumami ang pitong tinapay. Maaari ring naganap ang himala sa puso ng mga tao. kung saan sa pagpapala ni Jesus sa pitong tinapay, inilabas din nila ang kanilang mga baong pagkain upang mabasbasan din ni Jesus at ito’y ipinamahagi sa iba. Dahil dito’y nakakain ang lahat at meron pang sumobra. Mainam na mapagtanto natin na ang biyaya ng Diyos ay hindi magkukulang kung ito’y ibinabahagi sa iba. Sa Eukaristiya, tinatanggap natin ang katawan ni Jesus sa pinagpalang tinapay. Nagpapaalala na tulad ni Jesus, ang buhay natin ay katulad ng tinapay na marapat ipamahagi sa iba. Nawa’y ang mga biyayang ibinabahagi sa iba ay pagpalain ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023